Patay ang isang rescue team member ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos tangayin ng malakas na alon sa kasagsagan ng rescue operation sa La Union nitong Martes ng umaga, Setyembre 5.
Nakilala ang biktima na si PO3 Ponciano Nesperos, miyembro ng Special Operations Group- North Western Luzon (SOG-NWLZN).
Batay sa ulat ng Philippine PCG, naganap ang insidente sa Sitio Daeng, Barangay Halog East, Tubao , La Union.
Rumesponde umano ang grupo ng biktima sa isang drowning incident sa lugar sa kasagsagan ng masamang lagay ng panahon.
Pagdating sa lugar, dahan-dahan umanong tinawid ng biktima sa ilog para siguruhing ligtas at maayos ang kanilang “safety line.” Subalit nawalan umano siya ng balanse at tuluyang tinangay ng rumaragasang tubig sa ilog.
Sinubukan pang iligtas ang biktima subalit wala na siyang malay nang ma-recover ng PCG-Search and Rescue (SAR)/
Dinala ang biktima sa La Union Medical Center subalit idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor.
Agad itong ipinagbigay-alam ng PCG sa kanyang mga mahal sa buhay at patuloy ang koordinasyon upang maibigay ang kinakailangang tulong para sa kanila.
Ulat ni Baronesa Reyes