Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang kapitan ng barangay sa Taal, Batangas nitong Martes ng umaga.

Kinilala ni Taal Police Station chief P/Maj. Fernando Fernando ang biktima na si Erasmo “Resty “ Divino Hernandez, chairman ng Barangay Poblacion, Zone 10, Taal , Batangas.

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO)4A, ang insidente ay naganap dakong 7:20 ng umaga sa tapat ng barangay hall.

Nakaupo umano ang biktima sa tapat ng gusali at nagpapahinga nang lapitan siya ng dalawang armadong suspek at pinagbabaril gamit ang isang kalibre .45 baril.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Sta Teresita , Batangas. Isinugod naman sa Lemery Doctors Hospital ang biktima subalit ideneklara siyang dead on arrival ng mga doktor.

Sinabi ni Police Regional Office-4 Public Information Office chief P/Lt.Col. Chitadel Gaoiran na tatakbo sana sa kanyang ikalawang termino bilang kapitan ng barangay ang biktima bago nangyari ang pamamaril.

Matatandaan na nitong Lunes, inihayag ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na nasa pitong insidente na ng karahasan na hinihinalang may kinalaman sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ang kanilang naitatala at mino-monitor.

Ulat ni Baronesa Reyes