Humigit-kumulang sa P510 milyon ang ilalaan para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan sa Central Visayas, gayundin para sa pagsasaayos ng mga gusaling nasira o nawasak nang humagupit ang Bagyong “Odette” noong Disyembre 2021, ayon sa isang opisyal ng Department of Education (Deped).
Sinabi ni DepEd Region 7 Director Salustiano Jimenez, noong Huwebes, Agosto 31, 2023, na bubunutin ang budget sa pagkukumpuni ng mga school buildings mula sa pondo ng mga kinatawan ng 17 congressional districts sa rehiyon.
Sinabi ni Jimenez na kasama rin sa pondo ang pagbili ng mga upuan, mesa at iba pang kagamitan na kakailanganin sa mga silid-aralan.
Aniya, ipatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga proyektong pang-imprastraktura ngunit mahigpit na susubaybayan ang mga ito ng DepEd.
“Our only part in DepEd is to monitor closely, so that all these projects will be fast-tracked so we can use them immediately. In fact, our target should have been before the opening of classes,” ayon kay Jimenez.
Ang pagbubukas ng mga klase para sa mga pampublikong paaralan para sa kasalukuyang taon ng pag-aaral ay noong nakaraang Martes, Agosto 29.
Sinabi ni Jimenez na mayroong mahigit 100,000 silid-aralan sa humigit-kumulang 3,000 pampublikong paaralan sa rehiyon. Kasama sa bilang ng mga silid-aralan ang mahigit 6,000 silid-aralan na nasira ng bagyong Odette at wala pang 1,000 sira-sirang silid-aralan na kailangang ayusin.