Patay ang isang kapitan ng barangay at kapatid nito matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspect nitong linggo ng gabi sa Zamboanga , Sibugay.

Nakilala ang mga nasawi na sina Jul-Asmad Mawajil Anjawang, 56, kapitan ng Barangay Mamansaan Mabuhay, Zamboang Sibugay at kapatid nitong si Jamar Mawajil Anjawang, dating konsehal ng Barangay Mamansaan .

Batay sa ulat ng PNP, ang mga biktima ay lulan ng kanilang pick-up truck nang bigla silang pagbaarilin ng dalawang armadong suspek na bumaba mula sa isang Toyota Wigo.

Bukod sa magkapatid, nasugatan din sa insidente ang driver ng pick-up at isang militia man.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival ang magkapatid.

Napag-alaman na ang mga biktima ay galing sa kasalan at pauwi sana sa kanilang bahay sa Zamboanga Sibugay nang maganap ang pamamaslang.

Sa ngayon, may kinalaman sa pulitika ang anggulong sinusundan ng pulisya sa motibo ng krimen. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.

Ulat ni Baronesa Reyes