Rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) upang pigilin ang pagkalat ng langis na tumagas sa lumubog na MTUG SUGBO 2 sa karagatan ng Naga, Cebu kahapon, Setyembre 3.
Mapapanood sa video ng PCG habang gamit ng mga Coast Guard personnel tatlong oil spill boom, dalawang pang-scoop, at apat na absorbent boom upang makontrol ang oil spill at maprotektahan ang yamang dagat ng Cebu.
Base sa imbestigasyon, humingi ng tulong ang mga tripulante ng SUGBO 2 sa PCG nang magkaroon ng butas ng kanilang sasakyan dahilan upang sumirit ang tubig dagat sa engine room.
Nang makita na lumalalim ang lebel ng tubig sa engine room, inatasan ng ship master ang kanyang crew na gumamit ng submersible pump upang maalis agad ang tubig sa steering. Subalit ang prosesong ito ay biglang natigil nang mawalan ng kuryente ang tugboat.
At bago pa nila maisalba ang tugboat ay mabilis itong lumubog sa karagatan dahil sa masamang panahon ng mga oras na iyon, ayon pa sa ulat ng PCG.
Panoorin ang aerial video ng PCG sa link na ito: https://www.facebook.com/coastguardph/videos/1187169936004861