Patay sa pambubugbog ng kaniyang amain ang isang limang taong batang lalaki sa San Pedro, Laguna.

Sa interview ni Kabayan Noli De Castro sa Teleradyo Serbisyo sa DWPM Radyo 630 ngayong umaga, Setyembre 4, sinabi ni San Pedro Municipal Police chief P/Lt. Col. Pablito Naganag na maghahain na sila ng kaso laban sa amain ng batang lalaki na namatay sa matinding pambubugbog.

Ani Naganag, batay sa resulta ng awtopsiya sa bangkay, “blunt traumatic injuries of the head and chest at fractured right thigh area” ang ikinamatay ng paslit.

Ayon pa sa hepe ng San Pedro police, pangatlong asawa ng ina ng bata ang nakapatay rito. Nasa barangay hall umano ang nanay ng bata para manghingi ng pinansiyal na tulong nang mangyari ang pambubugbog.

Hindi na inabutan ng ina na buhay pa ang anak.

Tumanggi namang pangalanan ni Naganag ang suspek dahil nakatakda namang maghain ng kaso laban sa suspek ngayong araw.