Ipinagutos na ng liderato ng Philippine National Police Retirement and Benefits Administration Services (PRBAS) kay road rage driver Wilfredo Gonzales na isauli ang natanggap na retirement pay nito sa loob ng tatlong taon na umaabot sa P500,000.

Ito ay matapos maging viral si Gonzales, isang dating miyembro ng Quezon City Police District (QCPD), nang saktan at bunutan ng baril ang isang ‘di armadong siklista na kanyang nakagitgitan sa Welcome Rotonda, Quezon City halos isang buwan na ang nakararaan.

Sinabi ng PRBAS na bagamat sinibak na sa serbisyo si Gonzales noong 2018, may natanggap pa rin itong retirement pay simula 2016 nang magretiro siya sa serbisyo matapos maabot ang mandatory age of retirement na 56-anyos.

Ayon sa mga ulat, nasibak si Gonzales sa serbisyo dahil sa iba’t ibang katiwalian.


Ang pinakahuling insidente na ikinadismaya ng liderato ng PNP ay ang pananakit at pagbunot ng baril ni Gonzales sa isang ‘di armadong siklista sa Welcome Rotonda, Quezon City, na naging viral sa social media.

Sinabi pa ng PRBAS na posibleng sampahan ng civil case si Gonzales sakaling magmatigas ito at hindi isauli ang kanyang natanggap na retirement pay sa itinakdang panahon ng PNP.