Hinirang na bilang acting director ng Quezon City Police District (QCPD) si dating Philippine National Police (PNP)-Public Information Office (PIO) chief P/Brig. Gen. Rederico “Red” Maranan bilang kapalit ng sinibak na si P/Brig. Gen. Nicolas Torre III.
Basahin: Ang pagtatalaga kay Maranan ay batay sa General Order Number NHQ-GO-DES 2023 na inaprubahan ng PNP Director for Personnel and Records Management sa Kampo Krame noong Huwebes, Agosto 31.
Pupunan ni Maranan ang puwesto na nabakante ni P/Brig. Gen. Nicolas Torre III na nagbitiw matapos umani ng batikos dahil sa pagpayag na magsagawa ng press conference sa QCPD si Wilfredo Gonzales, isang dating pulis na naging viral bunsod ng pananakit at pagbunot ng baril sa isang siklista sa Welcome Rotonda, Quezon City, kamakailan.
Si Torre ay naglingkod bilng QCPD Director sa loob ng isang taon at nagpatupad ng 3-minute quick response sa pagresolba sa kaso sa lungsod. Ang kanyang pagbibitiw sa pwesto ay dahil narin sa mga pambabatikos na kanyang natamo matapos na iprisinta sa publiko si Wilfredo Gonzales sa pamamagitan ng isang press conference.
Itinalaga rin si P/Col. Jean Fajardo bilang acting PNP-PIO chief.
Ulat ni Baronesa Reyes