Mahigit 140,000 pamilya sa walong rehiyon ang naapektuhan ng pananalasa ng hanging habagat at dalawang nagdaang bagyong “Goring” at “Hanna,” ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes, Setyembre 4.
Ayon sa NDRRMC, isa ang kumpirmadong patay sa Western Visayas habang patuloy na kinukumpirma ang isa pa sa Cordillera. Inaalam din ng NDRRMC ang impormasyon hinggil sa napaulat na nawawalang isang tao sa Western Visayas din.
Ang 140,101 pamilya, na katumpas ng 514,153 katao, ay naninirahan sa 1,756 barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Western Visayas, Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Sa nabanggit na bilang, 915 pamilya o 3,251 indibidwal ang tinutulungan ngayon ng gobyerno sa 52 evacuation centers samantalang 2,410 pamilya naman o 10,052 katao ang nakatanggap ng ayuda bagamat nasa labas ng evacuation centers.
Samantala, nasa kabuuang ₱700 milyon ang naging pinsala ng habagat, na pinatindi ng dalawang nagdaang bagyo, sa imprastruktura at agrikultura, ayon pa rin sa NDRRMC.
Sa pinakahuling ulat hinggil sa situwasyon, sinabi ng NDRRMC na umabot sa mahigit ₱584.7 milyon ang halaga ng nawala sa produksiyon sa agrikultura. Karamihan sa napaulat na pinsala ay mula sa Western Visayas na nagkakahalaga ng ₱356 milyon na sinundan ng Cagayan Valley na ₱192 milyong halaga ng pinsala na tinamo sa pananim at alagang hayop.