Tuluyan nang nakalabas ng bansa ang bagyong “Hanna” ngayong Lunes, Setyembre 4, at binayo naman nito nang husto ang Taiwan, matapos dalawang beses itong mag-landfall doon.
Ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services (PAGASA), maraming nabuwal na mga punongkahoy at matindi ang naging pagbaha sa naturang bansa bunsod ng malakas at walang tigil na pag-ulan dulot ni Hanna (International Name: Haikui).
Sinabi rin ng ahensiya dalawang ulit na tumama sa kalupaan ng Taiwan ang bagyong “Hanna” umaga nitong Lunes.
Batay sa impormasyon ng state weather bureau, noong una, nagpahiwatig si bagyong “Hanna” na paalis na ng isla ng Taiwan subalit subalit umikot pabalik at nagkaroon ng ikalawang pagtama sa lupa, sa timog-kanluran ng Kaohsiung, bago ito naging “severe tropical storm” na lamang.
Wala namang naiulat na namatay sa Taiwan subalit marami winasak si Hanna sa komunidad sa baybayin ng Taitung, isang bulubunduking lugar sa silangang Taiwan kung saan direktang tumama ang bagyo.