Aabot sa 137 tripulante at pasahero ng barkong M/V D’ Asean Journey ang nailigtas matapos na bumangga ito sa Parola Ferry Terminal nitong Huwebes, Agosto 31, sa Iloilo City.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), ang insidente ay naganap dakong 7:23 ng umaga sa docking area ng Parola Ferry Terminal sa naturang lungsod.
Sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG)–Ilolio Commander Paterno Belarmino, galing ang barko sa Cuyo , Palawan at may lulan na 109 pasahero at 28 na tripulante.
Ayon sa kapitan ng barko na si Ronald Joey Galon, papasok sila sa Iloilo River nang salubungin sila ng malalakas na alon at agos ng tubig dahilan upang anurin sila at sumalpok sa terminal.
Agad namang tumulong ang mga tauhan ng Coast Guard upang ligtas na maibaba ang mga pasahero habang hinihila ng dalawang tugboat ang barko patungo sa Fast Craft terminal sa Lapuz district.
Ulat ni Baronesa Reyes