Binigyang diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga stakeholders sa tourism industry na samantalahin ang tinaguriang “revenge travel” na, aniya, ay makakatulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ang kanyang talumpati sa Ika-4 Philippine Travel Mart noong Biyernes, Setyembre 1 ay ibinahagi ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco matapos mabigo ang Pangulo na dumalo sa okasyon dahil sa kaniyang tight schedule.
“Through the consistent whole-of-nation approach, we must consciously leverage our strengths and competitive advantages to solidify the sector’s economic position, especially with the phenomenon of ‘revenge travel,'” giit ni Marcos.
Anang Punong Ehekutibo, napatunayan na ng sektor ng turismo ang malaking kontribusyon nito sa paglago ng ekonomiya ng bansa dahil ito rin ang nagbibigay ng kabuhayan sa mahigit sa limang milyong Pinoy.
Ang linyang “revenge travel” ay unang naging tanyag noong 2021 kung saan ang mga tao ay sabik na sabik bumiyahe matapos ang serye ng lockdown na kanilang naranasan sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic na nagsimula noong huling bahagi ng 2019 hanggang sa mga unang buwan ng 2021.
“With the innate beauty of our 7,641 islands and our people, our tourism will remain to be a vital economic sector for our country in the decades to come,” paliwanag ni Marcos.