Maituturing na dangal ng kaniyang bayan sa Padre Garcia sa Batangas si Vince Martin C. Macatangay na sa edad na tatlo ay nagsimula nang magpinta. At nang tumuntong ng edad 17, napagpasyahan niyang maging ganap na pintor.
“At noong 17 ako, doon ko rin nakamit ang una kong kampeonato [sa pagpipinta] sa national level at tinuring ko itong calling ng buhay artist ko sa visual arts,” pagbabahagi ni Vince sa email interview sa kaniya ng Pilipinas Today. Marami nang national at local art competitions ang naipanalo ng ngayon ay 21-anyos na si Vince.
Nagpipinta para maunawaan ang daigdig, maihayag ang sarili
Kahit bata pa, malinaw na kay Vince ang dahilan kung bakit siya lumilikha ng sining.
“Habang tumatagal ang panahon ko sa larangang napili ko mas lumilinaw ang purpose ko sa buhay at mas naging lohikal ako mag-isip patungkol sa mga bagay-bagay,” pagbabahagi pa ng batang pintor, na freshman ngayon sa prestihiyosong University of the Philippines-College of Fine Arts (CFA).
Ayon pa kay Vince, sa pagpipinta niya nakita at naramdaman na kaya niyang ilabas ang buong potensiyal niya bilang tao.
Saad pa ng batang pintor, gusto niyang ialay ang buhay niya sa paglikha ng sining na “nakatutulong” at “nakapag-aambag” sa kahit paano’y “pagpapaganda at pasasaayos ng kalagayan ng daigdig.”
Estilong ‘out-of-the-box’ ang puntirya
Nang tanungin siya ng Pilipinas Today kung paano niya ilalarawan ang kaniyang estilo sa pagpipinta, malalim at malaman ang kaniyang sagot:
“Sa ngayon ang estilo ko, malayang pagpapahayag lamang [ng sarili, gamit ang] figurism na maaaring maging social realism, realism, expressionism or kung ano man. ‘Di ko ikinukulong ang sarili ko sa mga art movements, at ang goal ko ngayon ay makapagpahayag at makapaglabas ng obra na makikitang likha ko o isang artist lang ang gumagawa sa kabuuan. Mas preferred ko ang mga conceptual paintings, ang igugol ang oras sa paglikha ng bago at ang paglaban sa ideya ng lahat ng art ay nadiskubre na… Ayoko dumating sa punto na maging anino ako ng kung sino man,” aniya.
Ayon pa kay Vince, ang tunay na sikreto sa kaniyang mga katha ay wala sa materyales na ginagamit kundi sa malalim at mayabong na konsepto, at maging sa intensiyon at kalooban niya sa tuwing magpipinta. Sa ngayon, ani Vince, hindi pa niya nailalabas sa mundo ang mas malalalim niyang mga likha, bagay na dapat nating abangan sa susunod na 5-10 taon, sa karera ng isang Vince Macatangay.
Mensahe sa mga young, aspiring painters
Samantala, may mensahe naman si Vince sa mga mambabasa ng Pilipinas Today, lalo na sa katulad niyang Gen-Z:
“‘Di tayo nabuhay sa maling henerasyon, nabuhay tayo sa mapanlinlang na kaginhawaan ng mundo. Piliin natin ang kalayaan ng sangkatauhan sapagkat ito ang daan para mapalaya ang sarli at mas maintindihan ang kalayaan ng sarili. Lumaki sana tayong may takot sa Diyos at mas maging totoo ka sa mga layunin mo.”