Sumipa ang presyo ng kamatis mula ₱160 hanggang ₱210 kada kilo sa mga palengke sa Metro Manila bago pa man ang “ber” months.
Ayon sa ulat ng TV Patrol noong Agosto 31, umabot na sa ₱200 kada kilo ang kamatis na itinitinda sa Murphy Market sa Quezon City, kung kaya per piraso na lang ang bili ng mga mamimili.
Ang pagliit ng supply at paglobo ng demand ang itinuturong dahilan kung bakit tumaas nang husto ang presyo ng kamatis na ipinamimigay lang sa Nueva Vizcaya noong Abril.
Marami rin kasing taniman ng kamatis sa Mindoro at iba pang lugar sa Luzon ang nasira sa sunud-sunod na bagyong kung kaya bumaba ang supply nito, at tanging ang Nueva Vizcaya Agricultural Terminal ang may supply kung kaya dumarayo doon ang vegetable dealers mula sa malalayong lugar.
“‘Yung buyers, wala na silang ibang mabibilihan na trading center kaya dito ang puntahan. Dahil sa habagat, nasira o wala nang produktong kamatis sa western philippines,” paliwanag ni Gilbert Cubila ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal, sa panayam.