Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 39 na nagtatakda ng hangganan sa pagpepresyo sa bigas.
Nagkabisa noong Agosto 31, itinakda ng EO 39 ang presyo ng regular milled rice sa ₱41 kada kilo samantalang ₱45 naman ang well-milled rice.
Ibinatay ang EO 39 sa probisyon ng Republic Act No. 7581 o Price Act kung saan binibigyang kapangyarihan ang Pangulo, alinsunod sa Section 7 ng naturang batas, na magtakda ng mandatory price sa mga produkto na ibinase sa rekomendasyon ng Price Coordinating Council.
Ayon sa Section 7 ng RA 7581, maaaring kontrolin ng Pangulo ang presyo base sa mga sumusunod na dahilan: “(i) Threat, existence, or effect of an emergency; (ii) prevalence or widespread acts of illegal price manipulation; (iii) impendency, existence, or effect of any event that causes artificial and unreasonable increase in the price of the basic necessity or prime commodity; and (iv) whenever the prevailing price of any basic necessity or prime commodity has risen to unreasonable levels.”
Inatasan din ng Pangulo ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na mahigpit na ipatupad ang itinakdang presyo ng well-milled at regular milled rice.
Magiging katuwang ng dalawang ahensiya ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies sa pagpapatupad ng price ceiling sa bigas.