Nagpakilala ang Filipino-Chinese businessman na si Ben Chan sa mga Pilipino sa panahong matindi ang colonial mentality ng publiko at pinagkakaguluhan ang mga damit at gamit na imported—taong 1987 nang binuksan niya ang isang maliit na T-shirt store sa loob ng isang mall sa Makati City at tinawag itong Bench, na kalaunan ay naging top local clothing brand sa bansa.

Ang unang stint ni Chan bilang retailer ay sa furniture store na Dimensione, na itinayo niya noong kalagitnaan ng 1980s, pagkatapos niyang bumalik mula sa pag-aaral ng design sa San Francisco, base sa panayam sa kanya ng Esquire Philippines na inilathala noong Disyembre 2016.

Taong 1987 nang isinilang ang Bench nang nakipagsapalaran si Chan sa larangan ng fashion at nagbenta ng kanyang mga T-shirt designs sa isang department store.

Sa loob ng ilang taon, lumaki na ang Bench bilang isang brand at noong 1991, humakot ng awards ang kauna-unahan nitong ad na tinatampukan ng isang celebrity, ang “A Day in a Sculler’s Life” tampok ang noon ay baguhang aktor na si Richard Gomez habang nagsasagwan sa kalagitnaan ng tahimik na karagatan. Suot ni Richard damit na may maliit na logo ng Bench sa 30-second shot.

Pinangangasiwaan ni Chan ang lumalaking grupo ng brands, kabilang sina Paul Smith, Repetto, Karen Millen, Cappellini, at MDF Italia sa ilalim ng banner ng Suyen Corporation, na nagkaroon ng sariling Bench tower noong 2013, kasabay ng pagdiriwang ng 25th anniversary ng clothing brand.

Pahayag noon ni Chan, matapos bigyan ng office tour ang media: “We had arrived at the next chapter of our journey. We had reached the next level. After 25 years in the family compound in Pasay, moving to BGC had a big psychological effect on us, the Bench family and all our employees. We left our comfort zone and expanded to new horizons.” 

Kalaunan, pinasok na rin ni Chan ang negosyo ng restaurant: “We were overwhelmed by the public response to Paul, St. Marc Cafe, and Maisen. The market loves top quality and the highest standards, as we have seen, and we are ready and willing to deliver more. The market deserves it!”

At sa kanyang latest designs, itinodo na ni Chan ang pagbibida sa kulturang Pinoy nang maging partner ang Bench sa Ternocon, ang biennial terno-making convention at competition. Sa pamamagitan nito, pumatok ang disenyong Filipiniana at Barong Tagalog-inspired designs sa mga millennials at Gen Zs.

“It has been our passion to promote Filipino culture through fashion design,” paliwanag ni Chan sa interview sa kanya ng Tatler Asia magazine noong Hulyo 4, 2023. “Organized with the Cultural Center of the Philippines, we have aimed the project to preserve an integral part of our Filipino heritage through education, exhibition and public awareness.”