Itinaas na ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina sa Alert Level 1 ang water level sa Marikina River matapos umabot ito sa 15.6 meters bunsod ng malakas na ulan na dulot ng habagat.
Sa panayam ng DWPM Teleradyo Serbisyo, sinabi ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na kapag nasa Alert Level 1 na, nakahanda na ang buong lungsod para kung anumang oras na mas tumaas pa ang tubig sa ilog o Alert Level 2, puwede nang magsagawa ng voluntary evacuation.
“Pero sa ngayon naman, may mga ilang area na nagkaroon ng gutter deep level ng tubig, partikular dito sa may creek sa boundary ng Marikina at Cainta… dahil napakalakas ng ulan kaninang madaling-araw, bandalang alas-3 hanggang alas-4, 130 millimeters (mm) ang rainfall amount natin. Ang normal, mga 30 – 40 [mm] lang eh, pero ito, 130,” ani Teodoro.
At dahil nahukay na ang burak sa ilog Marikina para mas lumalim ito, madali ring humupa ang baha, lalo na yun tumigil na ang ulan bago magtanghali.
Samantala, dahil sa tindi ng lakas ng ulan dulot ng hanging Habagat, itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang Orange Rainfall Warning sa Metro Manila, Bataan, at Zambales kasama ang San Antonio, San Felipe, San Narciso, Castillejos, Subic, Olongapo at San Marcelino.