Labing limang katao ang nasawi nang sumiklab ang apoy sa isang pagawaan ng T-shirt na nasa residential area sa Tandang Sora, Quezon City, madaling araw ngayong Huwebes, Agosto 31.
Sinabi ni Supt. Nahum Taroza, hepe ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), halos lahat ng namatay sa insidente ay mga trabahador ng T-shirt factory na matatagpuan sa panulukan ng Kennedy St. at John Patrick St., Pleasant View Subdivision, Barangay Tandang Sora, Quezon City.
Ayon pa kay Taroza, tumutulong ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Scene of the Crime Operations (SOCO) para matukoy ang identity ng mga biktima na karamihan ay stay-in employees at pinaniniwalaang natutulog nang maganap ang sunog.
Nakasaad sa report ng BFP na nagsimula ang sunog dakong ala-5:30 ng umaga at ideneklara itong “fire out” dakong ala-8:04 ng umaga.
Inaalam pa ng fire investigators ang pinagmulan ng sunog sa kabila ng mga ulat na may nakaimbak na kemikal sa gusali nang maganap ang trahedya.