Binawi ng Philippine National Police – Police Security and Protection Group (PNP-PSPG) ang may 679 na tauhan nito na nagsisilbing security detail sa mga very important persons (VIPs) bilang paghahanda sa nalalapit ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Kabilang sa mga ni-recall ay ang 468 security escorts mula sa Metro Manila na iniharap ni PSPG acting chief P/Col. Rogelio Simon kay P/Brig. Gen. Leo Francisco, acting head ng PNP Directorate for Operations, sa isang simpleng seremonya sa Camp Crame.
Pinag-report din ni Simon ang natitirang mahigit 200 na tauhan mula sa mga regional offices ng PSPG.
Sinabi ni Simon na ang hakbang ay ginawa bilang tugon sa resolution ng Commission on Elections (Comelec) na nag-uutos na sa sandaling magsimula ang election period, ang mga nagsisilbing escorts ng VIPs, kabilang ang ilang pulitiko, ay kinakailangang i-recall.
Nakasaad aniya sa Section 32, Rule XIII ng Comelec Resolution No. 10918 na ang lahat ng certificate of authority na inisyu sa police security ay awtomatikong mapapawalang-bisa kapag nagsimula ang election period nitong Agosto 28 kung saan kailangan silang mag-report sa PSPG Headquarters.
Ang mga na-recall ay isasailalim naman sa refresher training habang ang iba ay ide-deploy sa iba pang operating division bilang security augmentation sa mga kritikal na lugar
Samantala, nilinaw ng PSPG na ang sinumang VIP na nais makakuha ng escorts ay dapat sa Comelec magsumite ng letter of request. Sa sandaling maaprubahan ng Comelec ang request, saka lamang sila magtatalaga ng security personnel.
–Baronesa Reyes