Lumalakas patungo sa kategoryang tropical storm, ang tropical depression na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Lunes, Agosto 28.
Batay sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang sentro ng tropical storm “Haikui” ay nasa 2,230 kilometro silangang bahagi ng Northern Luzon.
Miyerkules ng gabi o Huwebes ng hapon, inaasahang makakapasok ng PAR ang “Haikui” at tatawagin itong “Hanna” kapag nasa teritoryo na ng Pilipinas.
Dala ni “Haikui” ang lakas ng hangin na 65 kilometro bawat oras, malapit sa gitna at pabugsong nasa 80 kilometro bawat oras
Bagamat hindi inaasahang direktang maaapektuhan ni Haikui ang bansa, palalakasin naman nito ang hanging Habagat simula Miyerkules na magdudulot ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Sinabi ng PAGASA na sa loob ng 36-oras ay posibleng maging ganap na tropical storm si Haiku at maaring maging bagyo bago pa makapasok sa PAR.
–Baronesa Reyes