Nahigitan ng Malabon City ang China matapos nitong makuha ang “Longest Line of Noodle Bowls” world record mula sa Guinness World Record gamit ang staple dish nilang Pancit Malabon.
Inimbitahan ng lokal na pamahalaan ng Malabon City ang 12 panciterias sa Malabon Sports Center nitong Biyernes, Marso 21, upang gumawa ng ibang bersyon ng staple dish ng lugar na Pancit Malabon na pinagsasama ang tradisyon at practicality dahil isinagawa ang preparasyon para dito sa malapit sa venue na Malabon Ampitheater.
Ginamitan nila ito ng calamansi, red oil, durog na kropek, tinapa flakes, ground pepper at fish sauce.
Upang matiyak ang pagkakapareho, lahat ng mga mangkok ay nilagyan ng 100 gramo ng lutong noodles kung saan kada mangkok ay nakadikit sa sunod na mangkok upang makagawa ng linya.
Pinangasiwaan ng Guinness adjudicator na si Soina Ushirogochi ang pangyayari upang ma-verify ang resulta ng natirang okasyon.
Umabot sa kabuuang bilang na 6,549 na mangkok ang naihanda nila, na mahigit 2,000 ang dami kumpara sa world record ng China na 3,988 ang mga mangkok.
“Winning the [Guinness World Record] means that it only proves our claim na ang Malabon ay city of labors and heritage. We’ve already pinned ourselves as a food hub in the National Capital Region,” wika ng tourism officer ng lungsod na si Catherine Larracas.
Ulat ni Jilliane Libunao