Kalbaryo ang dulot ng pananalasa ng bagyong “Goring “sa mga eskwelahan sa iba’t ibang bayan sa Cagayan na dahilan upang hindi nakasabay ang mga ito sa pagbubukas ng klase nitong Martes.
Bukod kasi sa malawakang pagbaha, maraming silid-aralan ang nasira, nawalan ng bubong, nawasak ang pader at pinalipad ng hangin ang mga dingding.
May mga paaralan din ang dinaanan ng buhawi , partikular na ang Licerio Antiporda Sr. National High School-main na matatagpuan sa bayan ng Buguey.
Daing ng ilang mga guro at magulang, katatapos lamang ng Brigada Eskwela kung saan nilinis at inihanda ang mga silid para sa mga estudiyanteng magsisibalik sa paaralan ay muli na naman silang maglilinis dahil sa pinsalang dulot ng bagyong Goring.
Samantala, sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Cagayan, aabot sa 24,507 indibidwal na katumbas ng 7,306 pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ni Goring. Sa nasabing bilang, 956 pamilya o 2,790 katao ang nanatili sa evacuation centers.
Tatlong tao rin ang naiulat na nasugatan mula sa Calaoagan, Piat; San Jose, Baggao at Roman Norte sa bayan ng Enrile. Ang mga naapektuhang pamilya ay mula sa 22 bayan sa lalawigan ng Cagayan. Kabilang sa mga ito ang Gonzaga, Lal-lo, Sta. Ana, Gattaran, Baggao, Sta. Teresita, Lasam, Peñablanca, Solana, Aparri, Camalaniugan, Ballesteros, Iguig, Alcala, Rizal, Buguey, Tuguegarao City, Tuao, Solana, Sto Niño, at Enrile.
(Photo courtesy of Cagayan Provincial Information Office)
Baronesa Reyes