Aabot na sa mahigit ₱41 milyon ang pinsala sa istruktura na dulot ni bagyong “Goring” habang patuloy nitong binabayo ang hilagang Luzon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa datos ng NDRRMC, 96,926 katao ang apektado ng naturang super bagyo at 35,095 indibidwal ang kinakalinga sa evacuation centers. Bagaman wala pang napaulat na namatay sa pananalasa ng bagyo, patuloy namang bineberipika ng ahensiya ang napaulat na may nawawalang biktima.

Naglabas na ang gobyerno ng ₱7.8 milyong halaga ng tulong para sa naapektuhang pamilya, ulat pa rin ng NDRRMC.

Samantala, itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang Signal No. 5 noong Martes, Agosto 29, sa hilagang-silangang bahagi Babuyan Islands, habang patuloy ang paglakas ng bagyong “Goring.”

Nakataas naman ang Signal No. 4 sa katimugang bahagi ng Batanes at hilagang-kanluran at hilagang-silangang bahagi ng Babuyan Islands, samantalang nasa ilalim ng Signal No. 3 ang nalalabing bahagi ng Batanes, Babuyan Island, at dulong bahagi ng timog-silangan ng Cagayan.

Isinailalim naman ng weather bureau ang hilaga at silangang bahagi ng Cagayan, hilagang bahagi ng Ilocos Norte at hilagang bahagi ng Apayao sa Signal No. 2; samantalang Signal No. 1 naman sa hilaga at silangang bahagi ng Isabela, nalalabing bahagi ng Ilocos Norte, Cagayan, Apayao, hilagang bahagi ng Abra, at hilaga ng Kalinga.