Nag-resign na sa puwesto si P/Brig. Gen. Nicolas Torre III bilang hepe ng Quezon City Police District (QCPD) upang bigyang daan ang patas na imbestigasyon sa viral video kung saan binatukan at tinutukan ng baril ng isang dating pulis ang isang siklista sa Quezon City.
Sinabi ni Torre na nagbitiw siya sa puwesto upang ipakita sa publiko na hindi nito pinapanigan o pinagtatakpan si Wilfredo Gonzales, isang dating pulis na naging viral dahil sa pananakit at panunutok ng baril sa isang siklista sa Welcome Rotonda noong Agosto 8.
Hindi aniya lingid sa kanyang kaalaman ang mga negatibong kritisismo sa pagsuko sa kanya ni Gonzales na sinundan ng agarang panayam sa mga miyembro ng media. “I am aware of the negative criticisms.” Pahayag ni Torre.
Aniya, nagdesisyon siyang magbitiw sa puwesto para mabigyan ng pagkakataon ang isang partial investigation at dahil alam niyang siya ang sentro ng kontrobersya .
Epektibo aniya ang kanyang pagbibitiw ngayong Huwebes at hinihingi na lamang niya ang clearance mula sa kanyang mga superiors. “I’ll just confirm with my boss right now para mabigyan ako ng pagkakataon na mag-exit na.” paliwanag pa ni Torre.
“I want to report from my boss na payagan na ako na ma-relieve na. I’m just asking time to clear my office and quarters para ang susunod sa akin ay may maayos na opisina.” dagdag pa ng opisyal.
Matapos mag-viral ang video ay agad na pinahanap ni Torre si Gonzales. Sumuko naman si Gonzales sa tanggapan ni Torre at sinabing nakipag-ayos na siya sa siklista, nagkasundo at nagkapatawaran na umano sila.
Mabilis ding naabot ng media si Gonzales at nakunan ng panayam sa isinagawang press briefing nitong nakalipas na Linggo.
Gayunman, sinabi ni Atty Raymond Fortun, pinuwersa umano ni Gonzales ang siklista na pumunta sa pinakamalapit na police station at aminin siya ang may kasalanan sa insidente at hiningian pa ng bayad ng P500 sa tinamong sira ng kaniyang sasakyan.
Nitong Martes, isinampa ng PNP ang reklamong alarm and scandal laban kay Gonzales.
Ulat ni Baronesa Reyes