Nagkaaregluhan man ang dalawang nagkaalitang kampo ay itinuloy pa rin ng Quezon City Police District (QCPD) ang paghahain ng kasong alarm and scandal laban kay Wilfredo Gonzales, isang dating pulis na naging viral sa social media dahil sa pananakit at pagbunot ng baril sa isang siklista sa Welcome Rotonda noong Agosto 8.
Ito ang naging pahayag ni QCPD chief Brig. Gen. Nicolas Torre III sa panayam ng DZBB.
“Sa mga oras na ito ay patungo na po ang apat na tauhan ng QC Police Station 11 (Galas) sa Prosecutors Office para maghain ng kasong alarm and scandal,” ayon kay Torres.
Sinabi rin ni Torres na ang apat na pulis ang siyang kumuha ng salaysay ni Torres at tumanggap ng kanyag baril nang magtungo ito sa Police Station 11 matapos sila magkainitan sa kalye ng isang siklista.
Nanawagan din si Torre sa siklista na lumantad na at tumulong sa paghahain ng kaukulang kaso laban kay Gonzales tulad ng iginigiit ng iba’t ibang sektor. Tiniyak din ni Torre ang seguridad ng siklista at kaniyang pamilya kung ipupursige nito ang kaso laban sa road rage driver.
Puntirya ni Atty. Raymond Fortun, na nagbolutaryo na umaktong legal counsel ng siklista, na makasuhan ng grave threat si Gonzales dahil sa ginawa nitong panunutok umano ng baril sa biktima. Pinakakansela rin ni Fortun ang driver’s license ni Gonzales sa Land Transportation Office (LTO) dahil sa hindi magandang asal na ipinakita nito bilang isang motorista.
Sa kasalukuyan, 90-day preventive suspension pa lang ang ibinaba ng LTO sa lisensiya ni Gonzales subalit ng iginiit ng ahensiya na posibleng matapawan pa rin ito ng mas mabigat na kaparusahan depende sa kahihinatnan ng kanilang imbestigasyon.
Umapela rin ang opisyal sa vlogger na nakakuha ng insidente at nag-upload nito sa social media na makipagtulungan din sa pulisya para sa paghahain ng kaso.
Naniniwala si Torre na posibleng nasaksihan ng vlogger ang pinagmulan ng gitgitan kaya niya ni-record ang gitgitan nila Gonzales at hindi pa pinapangalanang siklista hanggang humantong ito sa bunutan ng baril at pananakit ng dating pulis.
Sakaling lumantad ang siklista at vlogger, tiniyak ni Torre na tutulungan sila ng pulisya para makapasok sa Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan.