(Photo courtesy Zomboanga City Police Office)
Arestado ang limang katao matapos makumpiskahan ng P5.1 milyon halaga ng smuggled na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa Zamboanga City nitong Miyerkules ng umaga, Hulyo 19.
Nakilala ang mga naaresto na sina Yusop D. Abdulmaid, 26; Sudisin S. Usman, 40; Aberkhan A. Unda, 34: Alsidi D. Absara, 25; at Ilahan A. Muntasir, 34 anyos.
Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO)-9, dinakip ang mga suspek sa seaborne patrol operation ng mga tauhan ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company sa karagatang sakop ng Barangay Cawit sa Zamboanga City, dakong 2:50 ng madaling araw.
Namataan umano ng mga awtoridad ang isang wooden watercraft, na tinatawag na Jungkong, kung saan nakasakay ang mga suspek lulan ang 49 master cases ng Astro menthol, 40 master cases ng New Berlin, 50 master cases ng Bros, limang master cases ng Fort, at tatlong master cases ng Astro.
Ang naturang mga kontrabando ay nagkakahalaga ng P5,145,000.
Napag-alaman na ang bangka ay galing sa Jolo , Sulu at patungo sana sa Zamboanga City.
Wala umanong maipakitang dokumento ang mga crew ng bangka na magpapatunay sana na legal ang pagbibiyahe nila ng mga sigarilyo dahilan upang sila ay arestuhin.
—Baronessa Reyes