(Photo courtesy: BACOOR PNP)

Isang dalawang taong gulang na bata ang natagpuang patay sa tahanan nito sa Bacoor City, Cavite. Ang dahilan: sinakal diumano ito ng sariling ina.

Ayon kay Barangay Chairman Ernesto Mateo, isang kapitbahay ang nagsumbong sa mga awtoridad hinggil sa pagkamatay na bata na inaakala nilang namatay sa gutom.

Gayon man, sa pagsusuri ng pulisya, napag-alamang apat araw nang patay ang bata dahil nabubulok na ang lamanloob nito.

Napag-alaman ding namatay ang bata dahil sa sakal.

Mismong ang 6-anyos na kapatid ng biktima ang nagsabi sa pulisya, sa pamamagitan ng senyas, kung paano pinatay sa sakal ng sariling ina ang nakababatang kapatid.

Nauna rito, isang anak din ng suspek ang namatay noong nakaraang taon dahil naman sa diumano’y nadaganan ng mismong ina, ayon sa pulisya.

“Itong pangalawa hindi na po kami mismo nagsabi ‘yung kapatid na, eh. Buti ‘yung bata nakakapagsenyas kahit paano nalaman ng mga kapitbahay namin,” kuwento ng pinsan ng suspek.

Masamang-masama naman ang lolo ng biktima sa sinapit ng apo.

“Masakit sa kalooban ko namatay yung apo ko dahil sinakal gusto ko makulong [suspek],” sinabi ng lolo ng biktima.

Samantala, ibinigay naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tatlo pang anak ng suspek habang ire-rehab naman ang asawa nito.

—Ellen Mirasol