Inangkin ng Filipino Olympian at pole vaulter na si EJ Obiena ang silver medal sa World Athletics Championships na ginanap sa Budapest nitong Sabado, Agosto 26, matapos ang isa pang six-meter clearance.
Nakamit ni Obiena ang tagumpay pagkatapos ng dalawang attemts sa nasabing lebel.
Tinabla nito ang kanyang personal na best at ang Asian record na una niyang naitala noong Hunyo sa Bergen Jump Challenge sa Norway.
Sinubukan ni Obiena na i-clear ang 6.05 at 6.10 meters ngunit hindi nakumpleto ang nasabing attempts.
Nakuha ni Armand Duplantis ang gintong medalya sa 6.10 metro na nagbigay sa kanya ng ikalawang sunod na world title. Samantala, pinagsaluhan nina Kurtis Marschall ng Australia at American Christopher Nilsen ang bronze medal sa 5.95 meters.
Sa 2022 edition ng world championships, nakuha ni Obiena ang bronze medal sa 5.94 meters.
Si Obiena ang kauna-unahang Pinoy na nakapasok sa 2024 Paris Olympics matapos maabot ang entry standard na 5.80 meters sa BAUHAUS-Galan leg ng Diamond League sa Stockholm, Sweden kung saan nagrehistro siya ng 5.82-meter clearance.