Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kakandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na maghahain ng kanillang mga certificate of candidacy (COC) na hindi nila tatangapin ito kapag kulang sa datalye.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, dapat kumpletuhin ng mga maghahain ng COC ang mga importanteng detalye upang hindi ma-reject ang kanilang aplikasyon.
Ayon sa poll body, maraming COC ang ibinalik ng mga tauhan ng Comelec dahil walang pirma, walang notaryo at mali ang sukat ng ID photo.
Bukod pa riyan, sinabi rin ng Comelec na kapuna-puna rin ang mga overage na kandidato na naghahain ng kanilang kandidatura para sa SK positions.
Binigyang-diin ni Garcia, magiging mahigpit sila sa pagtanggap ng mga COC at hindi nila palulusutin ang anumang kulang o hindi nakasunod sa rekisitos.
Nagbabala rin ang Comelec na mahaharap sa kaukulang kaso sa ilalim ng Omnibus Election code ang mga kandidatong magsusumite ng mga pekeng dokumento sa paghahain ng COC.
Sinabihan din ng Comelec ang publiko na huwag suportahan ang mga kandidato sa SK at barangay posts na hindi susunod sa inilatag na patakaran kaugnay ng eleksiyon.
–Mores Heramis