Tinatayang aabot ng $100 bilyong posibleng kitain ng renewable energy industry ng mga bansa sa Southeast Asia sa 2030, ayon sa Asian Development Bank (ADB).
Ayon sa pinakahuling pag-aaral ng ADB, bagaman inaasahang matatapyasan ng hanggang 30 porsiyento ang gross domestic product (GDP) ng mga bansa sa rehiyon sa pagsapit ng 2050 bunsod ng patuloy na pagtaas ng temperatura, makikinabang naman ang mga ito sa renewable energy industry dahil maglilikha ito ng trabaho at pagtugon sa pangangailangan sa malinis at maasahang enerhiya.
Batay sa Renewable Energy Manufacturing: Opportunities for Southeast Asia, ang pag-aaral na inilunsad kasabay ng ASEAN Finance Ministers and Central Bank Governors Meeting ng ADB, Bloomberg Philanthropies, ClimateWorks Foundation, at Sustainable Energy for All (SEforALL) sa Jakarta, Indonesia noong Agosto 24, inaasahang magkakaroon ng oportunidad na kumita ang mga bansang kasapi ng ASEAN nang hindi bababa sa $90 hanggang $100 bilyon sa 2030, kaugnay na umuunlad na solar photovoltaic (PV) cells, battery, at electric two-wheeler industries dito.
Bukod sa kita, sinabi rin ng naturang pag-aaral na makalilikha rin ng anim na milyong “renewable energy jobs” ang mga ito sa taong 2050.
Gayunman, sinabi rin sa nasabing pag-aaral na nakabatay pa rin sa patakarang ipatutupad ng bawat bansa sa rehiyon, gaya ng sa Pilipinas, para makamit ang target revenue at dami ng trabahong malilikha mula sa naturang sektor.
Kasama sa naturang patakaran ang pagpapasigla sa “demand” para sa renewable energy (solar, wind, geothermal), pagsiguro na competitive ang halaga ng produkto/enerhiya, pagtatayo ng karagdagang negosyo, at pagpapabuti sa access sa export market ng mga produkto.
Binigyang-diin din sa naturang pag-aaral ang kahalagahan ng kooperasyon sa pagitan ng mga Southeast Asian countries para sa karagdagang suporta. Magagawa lamang ito, ayon sa pag-aaral ng ADB, sa pamamagitan ng pagpapalalim sa ugnayang pangkalakalan sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon.
“As we often say in ADB, the battle against climate change will be won or lost in Asia and the Pacific. A decisive front in that battle is Southeast Asia,” said ADB Sectors Group Director General and Group Chief Ramesh Subramaniam.