Ipinakilala ngayong araw si “Pearl,” ang unang digital human na puwedeng makausap at makasalamuha ng hoop fans na dadalo sa FIBA World Cup games sa Philippine Arena.
Ayon sa ulat, nabuo si Pearl sa pagtutulungan ng PLDT Inc., Smart, MediaQuest Holdings, Cignal TV, at NTT DATA.
Kauna-unahang conversational artificial intelligence (A.I.), maaaring makakuwentuhan si Pearl ng mga fans sa special kiosks na ilalagay sa Smart Araneta Coliseum at Mall of Asia Arena.
Armado ng lakas ng ChatGPT, ang A.I. writing at conversation tool na unang ipinakilala sa publiko ng kumpanyang OpenAI, at maging ng visual at sound sensors, puwedeng makausap si Pearl kapwa sa wikang Filipino at Ingles.
Sumasagot ito sa mga katanungang may kaugnayan sa palaro at kung paano mahanap ang inyong mauupuan sa venue. Kung nagugutom naman ang fan, at gustong makahanap ng mamemeryenda, puwede ring tanungin si Pearl kung saan makakabili ng masarp na pagkain.
Ngayon lang makakapunta sa laro? Puwede mo ring tanungin si Pearl hinggil sa kung anong koponan ang nanalo, sa statistics sa laro, at kung ano pang mga bagay na may kaugnayan sa FIBA activities.
“We are thrilled at the chance to bring these next-generation technologies to Filipino basketball fans as we adapt more innovative and customer-centric digital solutions. We will learn from the interactions that the fans will have with Pearl, and we will continue to improve the live stadium experience for future events,” ani PLDT at Smart Communications president and CEO Alfredo S. Panlilio, na siya ring pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Ang nakakaaliw pa kay Pearl, kapag kinausap ng fan, makikita mo ang ekspresyon ng kaniyang mukha.
“The NTT Group has been advocating Smart Solutions for sports for some time now, and we are happy to introduce it to the Philippines at this global event. We look forward to more collaborations with the PLDT Group and the Mediaquest Group as we develop more innovations,” pahayag naman ni NTT DATA executive vice president Noriyuki Kaya.
Ang NTT Data, kasama ang NTT Ltd. at NTT DATA Business Solutions ang lumikha at nagsusulong ngayon ng paggamit ng digital human intelligence para sa kasiyahan ng mga sports fans.