Umapela sa Department of Justice (DOJ) ang maybahay ng isa sa mga napaslang na aktibista sa tinaguriang “Bloody Sunday Massacre” sa Batangas noong Marso 6, 2021.
Naghain ngayong araw, Agosto 25, ng petition for review si Liezel Asuncion, maybahay ng napaslang na aktibista na si Emmanuel “Ka Manny” Ariaga Asuncion, na ipawalang-bisa ang resolusyon na nilagdaan ng panel of prosecutors na binubuo nina Senior Assistant State Prosecutor (SASP) Rodan Parrocha, Assistant State Prosecutor (ASP) Moises Yao Acayan at Prosecuting Attorney (PA) Jomila May Fugaban.
Nakasaad sa resolusyon na pinapawalang-sala ang 17 pulis na suspek sa pagkakapaslang kay Asuncion.
Kabilang sa mga akusado ay sina P/Lt. Elbert M. Santos. P/Lt. Shay Jed Sapitula, P/SMSgt. Hector R. Cardinales, P/MSgt. Ariel P. Dela Cruz, P/SSgt. Joemark Sajul, P/Cpl. Ernie A. Ambuyoc, P/Cpl. Mark John A. Defiesta, P/Cpl. Arjay Garcia, P/Cpl. Caidar Dimacangun, P/Cpl. Bryan Sanchez, P/Cpl, Ericson Lucido, Pat. Jayson Maala, Pat. Juanito Plite, Pat. Jonathan Tatel, Pat. Prince Benjamin Torres, Pat. Jaime Turingan, at Pat. Rey PJ Dacara Lopera.
Sa petisyon ni Asuncion, inilahad nito ang argumento para mapanagot sa krimen ang 17 pulis gaya nang pagkakaroon ng malakas na probable cause upang sila ay kasuhan ng murder; ang pagkakaroon ng sabwatan sa hanay ng mga respondent; at mga iregularidad sa implementasyon ng search warrant.
Ayon sa petitioner, patunay ang mga ito na walang batayan ang iginigiit ng 17 akusado na pumalag si Asuncion noong siya aarestuhin kaya pinagbabaril ng mga suspek.
Sinabi pa ng maybahay ni Asuncion na malinaw na may elemento ng murder ang naganap na insidente at bigo ang mga police na makapaghain ng ebidensiya na magdidiin kay Ka Manny.
Naniniwala ang petitioner na sa pamamagitan ng full blown trial ay mailalahad sa korte ang mga tunay na naganap noong Marso 6, 2021 nang minasaker ang siyam na aktibista.
-Mores Heramis