Isang tripulante ang nasugatan habang walong iba pa ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos na masunog ang kanilang sinasakyang bangka malapit sa pantalan ng Philippine Ports Authority sa Margosatubig, Zamboanga del Sur.
Agad namang nalapatan ng lunas ang biktima na nagtamo ng sunog sa kanyang mga hita.
Batay sa ulat ng PCG, naganap ang insidente dakong alas-6:00 ng hapon nitong Miyerkules, Agosto 23. Lulan umano ang mga biktima ng MBCA Minyahad at patungo sana sa Barangay Lenok, Lapuyan, Zamboanga del Sur nang maganap ang insidente.
Una umanong nagkaroon ng aberya sa makina ng bangka na kinalaunan ay sumiklab dahil na rin sa tumagas na gasolina.
Agad namang nakahingi ng tulong ang mga tripulante dahilan upang masagip ang mga ito ng mga tauhan ng PCG, PPA-Margosatubig, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at mga civilian volunteers.
Sa kasalukuyan, nasa ligtas nang kalagayan ang mga biktima, ayon sa PCG.
–Baronesa Reyes