Inaasahang mahigit 46,000 basketball fans ang daragsa sa Philippine Arena para sa pagbubukas ng kinasasabikang FIBA World Cup 2023, ayon mismo sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), ngayong gabi Agosto 25.
Sa panayam kay SBP President Al Panlilio sa TeleRadyo Serbisyo kamakailan, nasa 46,000 tiket ang ipagbibili sa mismong venue mismo subalit umaasa siyang madaragdagan pa ito at mapupuno ang pinakamalaking stadium ng Pilipinas.
“Last I’ve heard we’re already at the 46-47,000 range. Hopefully we breach 50,000 that will be a record. I am hoping it’s a full crowd tonight,” ani Panlilio.
Kung mapupuno ang Philippine Arena, ilalampaso nito ang naging record sa bilang ng attendees ng FIBA World Cup 1994 finals na idinaos sa Toronto, kung saan umabot sa 32,616 a ng kabuuang bilang ng Canadian fans na sumaksi sa laban ng US Dream Team II, sa pangunguna ni Shaquille O’Neal at Russia.
Inaasahang nasa Philippine Arena si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong gabi para ceremonial toss bilang hudyat ng pormal na pagbubukas ng palaro, at para saksihan na rin pakikipagtagisan ng koponan para sa pinakamimithing kampeonato.
Samantala, umaasa naman si Gilas Pilipinas coach Chot Reyes na magagapi ng kaniyang team ang Dominican Republic sa pagsisimula ng palaro.
Aminado si Coach Reyes na medyo mahihirapan ang Gilas sa pagbangga sa team Dominican Republic dahil kailangang gapiin si 6-foot-11 Big Man ng naturang koponan na si Karl Anthony-Towns na nagdedeliber ng 20-10 double-double outputs para sa Minnesota Timberwolves.
“Sabi nga ni Japeth (Aguilar) at our best game we have a 50/50 chance. Malakas ang Dominican Republic. They are higher ranked than us but I think kakayanin natin,” ayon kay Reyes.
Pero, naniniwala ang pangulo ng SBP na ang naging pagsasanay at “home court” advantage ng Gilas ang magbibigay sa koponan ng suwerte sa kanilang pagsabak sa laro.
“Sabi nga nila bilog ang bola. Hopefully we can play a good game today and with the support of the crowd…sana manalo tayo,” pahayag ni Reyes.