Isa ang nasawi, 34 iba pa ang naospital matapos malason sa pagkain ng tahong na pinaniniwalaang kontaminado ng red tide toxin sa Pilar, Capiz.
Sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa bayan ng Pilar, isang binatilyo ang nasawi sa insidente.
Sinabi ni Ronald Roa, fishery coordinator sa bayan ng Pilar, mula Lunes ng hapon hanggang sa kasalukuyan ay umabot na sa 35 katao ang isinugod sa pagamutan dahil pagkakalason. Nakaranas aniya ang mga biktima ng pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagsusuka, at pamamanhid ng katawan matapos kumain ng kontaminadong tahong.
Mula sa mga barangay ng Binaobawan, Rosario, San Ramon, Natividad at Poblacion ang mga biktima.
Kaugnay nito, agad naman nagpalabas ng executive order si Pilar Mayor Arnold Perez para ipagbawal ang pag-ahon, pagkain at pagbebenta ng shellfish sa kanilang bayan.
Nangako din ang alkalde na magbibigay ng tulong sa mga apektadong residente at sa mga nalasong biktima.
–Baronesa Reyes