Isang mag-asawang tulak ang naaresto matapos mabawi sa kanilang pangangalaga ang P3.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa kanilang pinagtataguan sa Sultan Kudarat nitong Martes, Agosto 22.
Nakilala ang mga naaresto na sina Samera Osmeña at asawa nitong si Saidamin Sumama Laguiamuda.
Naaresto ang mga suspect sa buy-bust operation na ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Philippine Army at Sultan Kudarat Municipal Police Station sa Barangay Simuay crossing, Sitio Abubakar, Sultan Kudarat.
Nakuha mula sa mga suspect ang 11 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit kumulang 510 gramo at buy-bust money, dalawang cellphone at isang baril.
Dinala ang mga suspect sa kustodiya ng PDEA-BARMM habang hinihintay ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o mas kilala sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms and ammunition.
–Ulat ni Baronesa Reyes