Ganap nang naging bagyo ang low pressure area (LPA) na namataan sa karagatan, silangan ng Aparri, Cagayan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Pinangalanan ng PAGASA ito bilang bagyong “Goring.”
Kaninang alas-3 ng madaling-araw, namataan ang sentro ni “Goring” may layong 400 kilometro, silangan, hilagang-silangan ng Aparri, Cagayan. May lakas ito ng hangin na 55 kilometro kada oras, malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 70 kilometro kada oras, ayon sa PAGASA.
Ayon sa state weather agency, mabagal ang paggalaw ni Goring na tinutumbok ang direksiyong kanluran, hilagang kanluran.
Bagaman hindi naman inaasahang labis na magpapaulan ang bagyong “Goring,” sinabi ng PAGASA na may tiyansang makaranas ng malakas na pag-ulan sa ilang bahagi Cagayan Valley sa susunod na tatlong araw dahil sa lapit nito sa kalupaan ng nabanggit na lugar.
“Tropical Depression ‘Goring’ is less likely to bring heavy rainfall over the country in the next three days. However, considering the proximity of the tropical cyclone to land, any westward shift in the track forecast may result in heavy rainfall over portions of Cagayan Valley in the next three days,” paliwanag ng PAGASA.
Sa kabilang banda, matapos ang pansamantalang pagtahak sa direksiyon ng hilagang-kanluran sa susunod na 12 oras, tinatayang pipihit si “Goring” patimog, sa ibabaw ng katubigan, silangang baybayin ng Cagayan Valley at maaaring muling pumihit pa-hilaga sa huling bahagi ng Lunes o Martes.
Dagdag ng PAGASA, inaasahang tuluy-tuloy na lalakas si Goring at maaaring maabot nito ang “tropical storm category” ngayong gabi o bukas ng umaga. Maaari itong itaas sa typhoon category sa darating na Linggo, habang tinatahak nito ang katimugang bahagi ng landas na iikutan nito.
Samantala, patuloy namang maaapektuhan ng hanging habagat o southwest monsoon ang Katimugang Luzon, Visayas, at Mindanao.