Maaaring maging ganap na bagyo ngayong linggo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa silangan ng Cagayan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Namataan ang LPA, 500 kilometro sa karagatang nasa silangan ng Aparri, Cagayan kaninang alas-10 ng umaga.
“Base sa pinakahuling datos natin, hindi natin inaalis ang posibilidad na ito ay maging bagyo sa mga susunod na araw,” ani PAGASA weather forecaster Obet Badrina sa Facebook livestream.
Samantala, ayon sa PAGASA, magdadala ang buntot ng LPA ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan, na may pagkulog at pagkidlat sa Cagayan Valley at Cordillera.
Makararanas naman ang Visayas, Mindanao, Bicol Region, Mimaropa, Zambales, Bataan, at Quezon ng parehong panahon dahil sa habagat, ayon pa rin sa state weather bureau.
Sa kabilang banda, makararanas naman ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ng bahagyang maulap na papawirin na may pulu-pulong na pag-ulan o ulang may pagkulog at pagkidlat.