Viral ngayon ang kuwento ng magkasintahan sa Hagonoy, Bulacan na sina Leann San Pedro at Teddymark Angeles matapos maharang ng mga pulis sa checkpoint nitong Sabado, Hulyo 15.
Sa panayam ng Pilipinas Today, ibinahagi ni Leann ang kanilang kakaibang karanasan bago sila ikasal nang maharang umano sila ng mga pulis sa isang checkpoint sa bayan ng Hagonoy sa Bulacan.
“July 15, 2023, alas-9 ng umaga papunta na kami ng asawa ko (Teddymark Angeles) ng simbahan (National Shrine and Parish of St. Anne) noon nang may pumara sa ‘min na pulis na nag-checkpoint pala sila sa lugar na ‘yun, ta’s huminto kami tinanong ‘yung asawa ko kung pang-ilang huli na niya ‘yun.”
Kuwento pa ni Leann, noong makita nilang pinipiktiyuran sila ng mga pulis, nakiusap umano ang asawa niya na kung maaari, huwag na umano silang kuhanan ng larawan dahil nahihiya sila.
“Nagtatawanan sila tapos ‘yung isang pulis eh nagpi-picture sabi pa nung asawa ko, ‘Boss ‘wag n’yo na po kami picturan at nakakahiya po,’ sabay tawa nung mga pulis.”
Tinanong pa umano si Leann ng pulis kung talaga bang papakasalan niya ang kaniyang kasinthan na si Teddymark.
“Tinanong pa nga ako kung talagang papakasalan ko ung asawa ko, eh, s’yempre sagot ko e, ‘Oo mahal ko e,’ sabay-sabay kami natawa. Tapos sabi sa ‘min, ‘Sige po, sir, regalo na namin ‘yun sa inyo,’ sabay ngiti nila sa ‘min at ayun na, pinaalis na nila kmi. Buti umabot kami sa kasal namin hehe.
Ibinahagi naman ni Leann na 12 taon na silang nagsasama ni Teddymark simula noong high school pa lang sila, at sabay silang nag-aral ng vocational course pagkatapos nila sa high school.
“Bale ahead siya ng isang taon sa akin, bale 3rd yr. ako at siya naman ay 4th yr. noon. Bale nagkatuksuhan ng magbabarkada hanggang sa nagkatotohanan na, ayun naging kami, sabay kami nag-aral ng TESDA (vocational).”
Ibinahagi rin ni Leann na mayroon na silang tatlong anak na edad 11, tatlo, at anim na buwang gulang.
Tip for long relationship
Tip naman ni Leann para sa maayos at matagal na pagsasama: Dapat “give and take” sa inyong mga partner, na kanilang natutuhan sa isang seminar na kanilang pinuntahan.
“Kung galit ‘yung isa, eh, ‘wag mo salubungin, kasi kung siya galit tapos ikaw din ay galit, eh, mauuwi at mauuwi sa puro away ‘yung pagsasama n’yo.
“Kami kasing mag-asawa, madalang pa sa patak ng ulan ang pag-aaway namin. Kasi lagi, kapag nagtatalo na kami ay umaalis na ang isa sa amin, tapos maya-maya babalik na at magso-sorry na sa isa’t isa.”
Ayon pa kay Leann, hindi na nila ipinagpapabukas ang kanilang problema at hindi pagkakaintindihan kaya nananatiling matatag ang kanilang pagsasama.