Umaani ngayon ng papuri ang 18 magulang – na may edad mula 25 hanggang 58-anyos – nang magtapos sila ng kindergarten sa Tribal Filipino School (TFS) ng Tabunan Elementary School sa Malita, Davao Occidental, ngayong school year 2022-2023.
Pinaparangalan ang mga opisyal ng TFS ang mga ito dahil sa kabila ng kanilang edad ay pursigido pa rin silang sumabak sa pinaka-unang antas ng edukasyon upang matutong magsusulat at magbasa.
Sinabi ng guro na si Romnick “Nick” Masaya na karamihan sa mga magulang na ito ay magsasaka na walang regular na hanapbuhay.
Isinagawa ang simpleng graduation ceremony ika-12 ng Hulyo, 2023 na, ayon sa mga school officials, ay naging emosyonal para sa mga magulang na naglakad sa entablado suot ang puting toga kasama ang asawa at mga anak.
“Proud po akong sabihin na mula sa hindi marunong sumulat ng kanilang ng mga pangalan, ang ilan po sa kanila ay marunong nang magbasa ng Tagalog,” saad ni Masaya.
“Hindi sila nakapag-aral noong bata pa sila dahil ayaw silang pag-aralin ng kanilang mga magulang, dahil malayo ang kanilang paaralan sa kanilang bahay at takot ang kanilang mga magulang na baka may mangyari sa kanila sa daan,” dagdag pa niya.