Bukas ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa panukalang buksan ang exclusive bicycle lane sa EDSA para sa mga motorsiklo.
Ito ay matapos maobserbahan na iilan lang sa mga siklista ang gumagamit ng exclusive bike lane kaya lumalakas ang panawagan sa mga motorcycle rider groups na hayaan silang gamitin ito, lalo na kung matindi ang trapik sa EDSA.
Sa Julia Vargas Avenue sa Pasig City, tinanggal na rin ang mga exclusive bicycle lane dahil kaunti lamang na siklista ang gumagamit nito. Sa halip, mga motorcycle riders ang dumaraan sa exclusive bicycle lane kapag nararanasan ang matinding trapik sa lugar.
Base sa datos ng MMDA Traffic Engineering Center hanggang Hulyo 17, aabot sa 165,000 motorsiklo ang dumaraan sa EDSA kada araw.
Matatandaan na muling nagbabala ang MMDA kamakalawa na huhulihin ng mga traffic enforcer ang mga motorcycle riders na daraan sa exclusive bicycle lane sa EDSA na may karampatang multa na P1,000 sa mga violators.
Sinabi ni MMDA acting chairman Romando Artes na magkikipagpulong siya sa mga grupo ng siklista at motorcycle riders sa Agosto 29 upang talakayin ang posibilidad na ipatupad ang panukalang lane sharing policy.
Binigyang diin ni Artes na ang Department of Transportation (DOTr) ang may huling desisyon hinggil sa naturang isyu.
“We have observed that many motorcycle riders use the bicycle lanes on EDSA since the suspension of the no contact apprehension policy. Additionally, we have been receiving complaints from the bicycle groups stating that they could not use the dedicated lane for them,” giit ni Artes.
“For now, we will only remind the motorcycle riders not to use the EDSA bicycle lane.”