Matapos ilipat ang 10 barangay ng Makati sa hurisdiksiyon ng Taguig City, aminado si Mayor Abigail Binay na bukas siya sa posibilidad na tumawid-ilog at tumakbo sa pagka-alkalde ng Taguig sa May 2025 elections.
Sa panayam ng Philippine Star habang siya ay namamahagi ng mga school supplies sa mga estudyante sa Makati nitong Miyerkules, Agosto 23, sinabi ni Binay na isa ito sa kanyang mga “option” na kinokonsidera subalit mahirap desisyunan.
Magtatapos ang ikatlong termino ni Binay bilang alkalde ng Makati at hindi na ito maaaring tumakbo muli para sa naturang puwesto base sa Omnibus Election Code. Base sa naturang batas, maaaring puntiryahin ni Binay ang ibang elective position, kabilang ang mayoralty post sa ibang lugar kung saan ito ay may residency na mahigit sa isang taon.
“Ang pagtakbo bilang mayor ng Taguig ay hindi ganung kadali dahil hindi ako pamilyar sa lugar bagamat marami na ring kaming programa at proyekto para sa siyudad,” payahag ni Mayor Abby.
Itinuloy ng alkalde ang pamamahagi ng school supplies matapos bigyan siya ng “go signal” ng Department of Education (DepEd) na ituloy ito sa 14 na pampublikong paaralan sa 10 barangay na dating sakop ng Makati subalit inilipat na sa hurisdiksiyon ng Taguig.
Mahigit sa 45,000 estudyante ang nabiyayaan sa nasabing proyekto.