Nagsumite na ang tatlong jeepney organizations ng pormal na petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na humihiling ng P5 dagdag pasahe at P1 provisional fare increase sa traditional jeepney na bumibiyahe sa Metro Manila.
Nakasaad sa petisyon na inihain ng Pasang Masda, Altodap, at ACTO ang kanilang hiling sa P5 dagdag singil sa unang apat na kilometro kung saan papalo ang minimum fare sa P17 mula sa kasalukuyang P12, at karagdagang P1.00 sa kada susunod na kilometro.
Idinahilan ng mga jeepney operators at drivers ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo kaya nalulugi na sila ng halos P400 sa kanilang boundary.
Bukod dito, sinabi ng grupo na nagmahal na rin ang presyo ng mga piyesa ng sasakyan kaya halos wala na silang naiuuwing budget para sa kanilang pamilya.
Sa isinagawang pagdinig noong Huwebes hinggil sa mga unang fare hike petition na isinumite sa LTFRB, pinayuhan ang mga transport group na magsumite ng pormal na petisyon imbes na letter of request lamang para sa fare adjustments ng public utility jeepneys.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, naiintindihan nila ang dahilan kung bakit humihiling ang mga transport groups ng fare hike subalit kailangan aniya itong balansehin sa magiging epekto sa kabuhayan ng mga commuter na binabraso rin ang nagtataasang presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular sa kanilang araw-araw na supply ng pagkain.