Nagsimula nang mamahagi ang lokal na pamahalaan ng Taguig City ng mga school packages sa mga estudyante ng Taguig, kasama na ang mga mag-aaral na mula sa 10 “EMBO” barangays nitong Martes, Agosto 22.
Pinangunahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang pamamahagi ng school supplies sa mga mag-aaral ng Pitogo High School sa Barangay South Cembo, Makati at Upper Bicutan Elementary School sa Taguig.
Ang mga mag-aaral ay tumanggap ng school package na naglalaman ng bag, school uniform, medyas, sapatos, rubber shoes, at iba pang gamit sa paaralan.
Ang mga daycare at kindergarten students naman ay nakatanggap din ng mga kagamitan tulad ng mga emergency contact cards at health care kit na naglalaman ng bag, toothbrush, toothpaste, hand towel, at alcohol spray.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Cayetano na mas higit pa sa mga materyal na ipinamamahagi, ang kanilang presensya ay nagpapakita ng kanilang kahandaan na suportahan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga magaaral.
Bukod dito, inilunsad din ng City of Taguig sa Pitogo High School ang Lifeline Assistance for Neighbors In-need (LANI) Scholarship Program para sa mga estudyante ng mga barangay sa EMBO. Ang scholarship program ay hindi lamang para sa mga nagtatapos sa senior high school, kundi para sa lahat ng kuwalipikadong estudyante mula 10 “EMBO” barangays.