Hindi sususpendihin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang number coding scheme kahit pa suspendido ang klase at trabaho sa mga ahensiya ng gobyerno dahil sa pagbubukas ng FIBA World Basketball Cup sa Agosto 25.
Matatandaang sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang klase at trabaho sa gobyerno bilang pagbibigay-daan sa pagbubukas ng FIBA World Cup na idaraos sa Metro Manila at Bulacan.
“Hindi po kami magus-suspend ng color o number coding sa August 25 kahit na po ito ay dineklarang holiday. Dahil po sa aming experiensiya, kung magde-declare po kami ng suspension ng number coding, dumadami po ang kotse sa lansangan na nagke-create po ng traffic,” pahayag ni MMDA acting chairman Romando Artes.
Sa kabila nito, magpapatupad ng truck ban sa Bulacan ang MMDA kung saan naroroon ang isa sa mga lugar na pagdarausan ng FIBA games, ang Philippine Arena.
Samantala, magtatalaga naman ang ahensiya ng 1,300 tauhan nito para sa pagpapatupad ng stop-and-go traffic scheme sa mga lugar sa EDSA, Kalayaan Avenue, Diokno Boulevard, Roxas Boulevard at Sales Road sa pagdating ng mga delegado ng FIBA na magmumula sa 30 bansa.
Nauna na ring nakipag-ugnayan ang MMDA sa may-ari ng mga mall na nasa kahabaan ng nabanggit na mga lansangan at iba pang lugar na apektado ng FIBA World Cup na huwag munang magsagawa ng sale upang hindi na makadagdag sa problema ng traffic na posibleng idulot ng prestihiyosong international basketball event.