Muling binuhay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang plano nitong magtayo ng elevated walkways at bikeways sa ilang bahagi ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA).
Ayon sa ulat ng CNN Philippines, sinabi ni MMDA chief Don Artes nabanggit nila ang posibleng pagsusulong sa konstruksiyon ng elevated infrastructures para sa mga pedestrians at cyclists sa kanilang pagpupulong sa mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM).
Ito ay matapos ipinahag ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang kaniyang suporta sa proyekto at balak niyang isulong ang pagsasagawa ng pilot run para sa walkways at bikeways sa susunod na taon.
“Ako ang nag-beg off dahil gusto ko muna sana matapos ‘yung study dahil baka bibigyan kami ng pondo, tapos hindi pala namin kayang i-implement,” pahayag ni Artes.
Kabilang sa mga kinokonsiderang pilot areas ay ang mga lugar ng Guadalupe hanggang Cubao, ayon pa sa opisyal.
Noong 2019, iginiit ng Sen. Juan Miguel Zubiri ang pangangailan sa mga elevated bikeways at walkways upang maibsan ang pagsisiksikan ng mga pedestrian at nagbibisikleta sa mga pangunahing lansangan subalit biglang nakalimutan ang naturang usapin bunsod ng COVID-19 pandemic.