Bahagyang naantala ang biyahe ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 matapos tumalon ang isang lalaki sa riles mula sa platform ng Blumentritt Station sa Maynila kaninang umaga.
Ayon sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr), nangyari ang insidente sa southbound track ng LRT 1 Blumentritt Station dakong ala-6 ng umaga.
Agad na isinugod ang 26-anyos na lalaki, na hindi pinangalanan sa report, sa isang ospital bunsod ng tinamo nitong sugat sa ulo. Naputol din ang kanyang kaliwang paa matapos ito mahagip ng tren.
Lumitaw sa imbestigasyon na agad na ginamit ng alertong traing operator ang emergency brakes nang mataan niyang tumalon ang lalaki sa riles.
Dumating ang mga emergency responders upang hugutin ang pasahero sa ilalim ng tren para mabigyan ng unang lunas. Sa kabila nito, nakabiyahe pa rin ang ilang tren ng LRT 1 sa limitadong kapasidad bunsod ng emergency situation.
Sinabi rin ng DOTr ala-9:32 ng umaga nang ideklara ng mga doktor na nasa stable condition na ang pasyente. Bumalik ang full operations dakong 6:44 ng umaga.