Dahil pahirap nang pahirap ang pagbiyahe ng mga communter at lalong tumitindi ang traffic, nanawagan ngayon ang United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) na palawigin ang operational hours ng LRT at MRT.
Ayon kay UFCC president si RJ Javella, bukod sa mas madami ang makikinabang na pasahero sa pagpapalawig ng operating hours at magagamit din ito tuwing may emergency.
Sa ngayon, alas-5 ng umaga lumalarga ang first trip ng MRT-3, mula North Avenue habang bago mag-alas-10 ng gabi ang huling biyahe nito.
Pasado alas-5 naman ng umaga hanggang pasado alas-10 ng gabi ang biyahe ng MRT-3 mula Magallanes hanggang North Avenue.
Paliwanag ng pamunuan ng MRT-3 kinakailangan ang sapat na oras para sa maintenance ng mga riles at bagon, at posibleng magkaaberya ang mga tren kung hindi masusunod ang preventive maintenance schedule.
Sagot naman ng tagapagsalita ng Light Rail Transit (LRT) na si Atty Hernando Cabrera, maganda lang daw pakinggan na 24 oras na tumatakbo ang train pero hindi ito realistic at praktikal.
Aniya, posible namang magawa ang 24-oras na operasyon subalit tatagal lamang ito ng isang buwan dahil sa mga aberya na maaaring mangyari sa tren na may katapat na paglobo ng konsumo ng kuryente ng LRT.