Patay ang isang construction worker habang sugatan ang tatlong katrabaho nito matapos mabagsakan ng pader sa ginagawang gusali sa compound ng City Hall ng Quezon City.

Base sa imbestigasyon, naghuhukay umano ang mga biktima sa ginagawang scenic elevator nang gumuho at mabagsakan ng katabing pader ang mga ito.

Kinumpirma ni Engelbert Apostol, hepe ng Public Affairs and Information Department (PAISD) ng QC Hall, na nangyari ang insidente 10:09 ng gabi sa construction site sa Civic Center Building.

Ayon kay P/Brig. Gen. Nicolas Torree ng Quezon City Police District, inaalam pa ng pulisya at tinitinganan nila ang posibilidad na nagkaroon ng paglabag sa building code ang kontratista.

Patuloy ang koordinasyon ng Quezon City government sa pulisya upang madetermina ang mga ipinaiiral na safety protocols ng construction company para sa mga trabahador nito nang mangyari ang trahedya.