Inilalaban ngayon ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Senado ang ₱150 dagdag sa minimum upang maengganyo ang skilled workers na manatili sa bansa at huwag nang mag-aborad. Ito ay kahit tutol pa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dito.
“The lack of quality jobs [in the country] is also because of the lack of quality skilled workers we have,” ani Zubiri sa kaniyang pahayag noong Biyernes, Agosto 18.
“They are all leaving. The diaspora [of skilled Filipino workers] that we’re seeing now is because of the low wages,” ayon pa sa senador.
Samantala,suportado ng grupo ng kababaihang manggagawa ang panukalang ₱150 dagdag sa minimum wage na isinusulong ni Zubiri.
“Anumang hakbang na magtataas sa sahod ng mga manggagawang Pilipino ay aming mahigpit na sinusuportahan lalo pa kung mailalapit nito ang minimum na sahod sa isinusulong nating family living wage, na batay sa kasalukuyang mga pag-aaral, ay nasa halagang Php 1,163,” ani Jacquiline Ruiz, tagapagsalita ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK), sa pahayag na ipinadala sa Pilipinas Today.
Ani Ruiz, makatwiran lamang na maipasa ang panukalang umento sa sahod na isinusulong sa Mababa at Mataas ng Kapulungan ng Kongreso dahil magbibigay ito ng kaunting ginhawa sa milyon-milyong manggagawang Pilipino na ilang taon nang nagtitiis sa hirap ng buhay bunsod ng magkakasunod na krisis sa ekonomiya at pandemya.
Ayon pa kay Ruiz, bagaman suportado nila ang naging ₱40 umento sa sahod sa National Capital Region (NCR), hindi pa rin umano ito sasapat para makaagapay ang ordinaryong Pilipino sa hagupit ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin at serbisyo.
Sa kabilang banda, binatikos naman ng KMK ang pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na makadaragdag sa antas ng inflation sa bansa ang ipinapanukalang dagdag na sahod.
“Fake news ito! Sa katunayan, paborable sa ating ekonomiya ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa dahil magreresulta ito sa papalakas na purchasing power ng manggagawa at kanilang pamilya. Makakatulong ito para mabili ang mga produkto at gumulong ang ekonomiya ng bansa,” paliwanag ni Ruiz.
Ayon kasi kay Diokno, ipapasa rin lang ng mga kapitalista sa publiko ang gastos nila para sa ipinapanukalang dagdag-sahod sa mga manggagawa.
Para naman kay Ruiz, napakalaking kainutilan sa panig ng gobyerno kung hahayaang ang mga konsiyumer ang papasan sa ginastos ng may-ari ng mga kumpanya sa umento sa sahod ng kanilang mga empleyado.
“Napakainutil naman ng gobyerno kung hahayaan lang nito na mga konsyumer o mamamayan ang pumasan sa dagdag-sahod imbes na hikayatin ang malalaking negosyo na bawasan ng bahagya ang napakalaking tubo na kanilang nalilikom taon-taon,” giit ni Ruiz.